Amas, Kidapawan City- Pormal nang itinurnover nitong nakaraang Biyernes, Hunyo 24, 2022 ni outgoing Cotabato Governor Nancy A. Catamco, kasama ang mga department heads ng kapitolyo ang dalawang proyektong pang-imprasktratura na nagkakahalaga ng P12M sa loob ng kapitolyo.
Ang nasabing mga proyekto ay kinabibilangan ng pasalubong center na nagkakahalaga ng abot P7M at ang elevator sa Provincial Capitol Main Building na nagkakahalaga naman ng P5M na pawang pinondohan ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato.Ang pasalubong center na matatagpuan sa harap ng provincial capitol grandstand ay magsisilbing one-stop-shop para sa mga nais bumili ng pasalubong na gawa sa probinsya.
Samantalang malaking ginhawa at tulong naman ang maihahatid ng operational ng elevator sa main building ng kapitolyo na sinadyang ipagawa para sa mga person’s with disability (PWDs) at senior citizens na mayroong trasaksyon sa mga opisina ng nasabing gusali. Nagpaabot naman ng kanilang pagbati sina Department of Trade and Industry (DTI) Provincial Director Ferdinand C. Cabiles at Department of Science and Technology (DOST) Science Research Specialist II Reynell Revilla sa provincial government sa ilalim ng pamumuno ni outgoing Governor Catamco at sinabing ang proyektong gaya ng pasalubong center ay nagpapakita lamang ng pagiging responsive ng pamahalaang panlalawigan sa pangangailangan ng mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) ng probinsya.
Sa kanyang mensahe binigyang diin naman ni Governor Catamco na ang pagbubukas ng pasalubong center ay magbibigay ng panibagong oportunidad hindi lamang sa mga maliliit na negosyante kundi pati na rin sa mga magsasaka ng lalawigan na mabigyan ng pagkakataon na makilala ang kanilang mga locally-made products. Dumalo rin sa aktibidad si Provincial Veterinarian Dr. Rufino Sorupia, Provincial Human Resources Management Office Head Erlinda Catalan, Provincial General Services Office Head Jorge Silva, Integrated Provincial Hospital Office Head Dr. Eva Rabaya, at Representante mula sa Provincial Engineer’s Office, Engr. Erwin Boyd Agero at MSME Provincial Association President Jamewell Campollo. //idcd-pgo//