Amas, Kidapawan City- Pormal nang nanumpa bilang ika-25 gobernador ng lalawigan ng Cotabato si Governor-elect Emmylou “Lala” Taliรฑo Mendoza kasama ang iba pang mga opisyal ng Sangguniang Panlalawigan.
Ang inagurasyon at oath taking ni Governor Mendoza ay ginanap sa Provincial Capitol Gymnasium, Amas, Kidapawan City noong, Hunyo 20, 2022 na pinangunahan ni Presiding Judge Lily Lydia A. Laquindanum.
Kasamang nanumpa ni Mendoza sina Congressman-elect Rudy Caoagdan (2nd District), Congresswoman-elect Ma. Alana Samantha Taliรฑo Santos (3rd District), TUCP Partylist Representative Raymond Democrito Mendoza, at ilang mga Provincial Board Members mula sa tatlong distrito ng probinsya na sina Sittie Eljori Antao-Balisi, Atty. Roland D. Jungco, Joseph A. Evangelista, Ryl John Caoagdan, Ivy Martia Lei D. Ballitoc, Jonathan M. Tabara at Joemar S. Cerebo. Sa kanyang mensahe pinasalamatan ni Mendoza ang Poong Maykapal sa panibagong oportunidad na mapaglingkuran muli ang mamamayan ng lalawigan ng Cotabato.
Pinasalamatan din nito ang lahat ng Cotabateรฑong naniwala sa kanyang kakayahan at sa adbokasiya nitong “serbisyong totoo.” Nanawagan din si Mendoza ng kooperasyon at pagtutulungan ng lahat upang maayos nitong maipatupad ang mga programang nararapat at angkop sa pangangailangan ng bawat mamamayan ng lalawigan.
“Buligi kami, nga mabuligan kamo, para mahatag namon ang serbisyong totoo,” wika ni Governor-elect Mendoza. Si Mendoza at ang mga bagong halal na mga opisyal ng lalawigan ay pormal na uupo ngayong tanghali .
Dumalo rin sa naturang pagtitipon ang kabiyak ni Vice President-elect Sara Duterte na si Atty. Manases Carpio, at ilang opisyal ng Municipal at Barangay Local Government Units, provincial government department heads, at kapamilya ng mga nanumpang opisyales.//idcd-pgo//