Former rebels ng lalawigan ng Cotabato nakatanggap ng P1.3M livelihood assistance

Amas, Kidapawan City-Panibagong pag-asa ang hatid para sa 67 former rebels (FRs) matapos nilang tanggapin mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD)Region XII ang P1,340,000 livelihood assistance bilang panimulang puhunan para sa kanilang pangkabuhayan.

Sa simpleng programa, personal na iniabot ni Governor Nancy A. Catamco, DSWD XII Regional Director Restituto B. Macuto, DILG Provincial Director Ali B. Abdullah, 1002nd Brigade Commander BGen.Potenciano Camba, at CPPO Police Community Affairs and Development Unit Chief PMAJ Sunny R. Leoncito ang tig P20,000 tulong pangkabuhayan mula sa DSWD na ginanap sa Provincial Covered Court, Amas, Kidapawan City, ngayong araw, Disyembre 7, 2021.

Apatnapu’t tatlo (43) sa naturang mga FRs ay mula sa bayan ng Arakan; 9 mula sa bayan ng President Roxas; 4 mula sa bayan ng Makilala; 2 naman mula sa Antipas; 7 mula sa Tulunan; 1 sa M’lang at 1 mula sa Kidapawan City.

Ipinamahagi rin sa naturang aktibidad ang tig-P5,000 cash assistance para sa 13 kasusuko pa lamang na mga rebelde.

Nagpaabot naman ng kanyang pasasalamat si Governor Catamco sa lahat ng mga ahensyang tumutulong upang maging matagumpay ang mga programa na ipinapatupad sa ilalim ng EO.70 o Whole-of-Nation Approach.

Hinikayat din nito ang mga nagbalik-loob na rebelde na maging wais sa paggamit ng perang matatanggap upang mapalago ito para na rin sa kinabukasan ng kanilang pamilya.

Ayon sa kanya, “kinahanglan mahimo kitang responsable sa atong mga desisyon, kay nakadepende kanato ang atoang kaugmaon.”

Sa kanyang mensahe sinabi naman ni DSWD XII Director Macuto na sa kabila ng pagkaligaw ng landas ng mga former rebels ay palaging handa ang pamahalaan na sila ay tulungan at gabayan sa tamang landas kasama ang kanilang mga pamilya.

Pinasalamatan naman ni BGen. Potenciano Camba si Governor Catamco sa dedikasyon at suporta nito sa mga programa ng AFP.

“In behalf sa mga kasama ko sa 1002nd Brigade, kami ay taos-pusong nagpapasalamat kay Governor Catamco. Ma’am we are very proud and blessed na nandito kami at kasama namin kayo sa pagpapatupad ng mga programa para sa mga former rebels,”pahayag ni BGen. Camba.

Pinasalamatan din nito ang DSWD at iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa pagtulong nito sa kanilang kampanya sa sa pagkamit ng kapayapaan.

Dumalo din sa naturang aktibidad si 39IB Batallion Commander LTC Ezra Balagtey, at 72IB Batallion Commander LTC Jose Regonay.//idcd//