Amas, Kidapawan City-Mahigit sa 8,453 na miyembro ng irrigators and farmers association at mga kooperatiba ng lalawigan ng Cotabato ang makikinabang sa P116.8M na farm machineries na ipinamahagi nitong Miyekules, Disyembre 8, 2021, sa Provincial Capitol Gymnasium, Amas, Kidapawan City.
Mismong ang butihing Gobernador ng lalawigan ng Cotabato, Governor Nancy A. Catamco kasama si DA-PhilMech Operations Division Chief Joel V. Dator ang nanguna sa ginawang ceremonial turnover.
Kabilang sa mga kagamitang pansaka na ipinamahagi sa pakikipagtulungan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), Department of Agriculture Field Office XII at Provincial Government of Cotabato ay ang sumusunod: 36-Four Wheel Tractor, 3-Hand Tractor, 12 Floating Tiller, 2-PTO Driven Disc Plow, 2-Precision Seeder, 7-Walk Behind Transplanter, 4- Riding Transplanter, 4-Reaper, 30 Combine Harvester, at 1- Axial Flow Thresher.
Ang mga nabanggit na farm machineries ay pinondohan sa ilalim ng Rice Competitive Enhancement Fund (RCEF)-Mechanization Component ng DA at mapapakinabangan ng mga magsasaka mula sa bayan ng Pigcawayan, Midsayap, Pikit, Kidapawan City, President Roxas, Antipas, Kabacan, Matalam, M’lang, Tulunan, Libungan, at Carmen.
Sa kanyang mensahe pinuri at pinasalamatan ni Governor Catamco si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa walang sawang suporta at malasakit nito sa sektor ng agrikultura at sa pagbibigay nito ng makabagong teknolohiya sa pamamagitan ng DA-PhilMech na makakatulong sa mga magsasaka ng lalawigan.
Nagpaabot naman ng kanyang pagbati sa mga magsasakang benepisyaryo si PhilMech Operation Division Chief Dator bilang representante ni DA Secretary William at pinaalalahanan ang mga ito na gamitin ng wasto at tama ang makinaryang ipinagkaloob ng gobyerno upang hindi ito madaling masira at lubos ito na mapapakinabangan.
Kung matatandaan, buwan ng Pebrero ngayong taon ng unang namigay ang DA-PhilMech ng farm machineries na abot sa P163.8M na pinakikinabangan na ngayon ng 12,022 magsasaka ng probinsya.
Nakiisa rin sa nasabing aktibidad sina DA XII Regional Agriculture Engineering Division (RAED) Head Jocelyn Torres, DA XII Field Operations Division Chief Zaldy Boloron, PhilMech Cluster Head for Mindanao Ray Anarna, Arthur Go representante ni Senator Cynthia Villar, 1st District Congressman Joel Sacdalan, Board Member Maria Krista Piñol Solis, Provincial Administrator Lani S. Candolada, Provincial Agriculturist Sustines Balanag, at Former Provincial Administrator Efren F. Piñol.//idcd-pgo//