Mobile vaccination sinimulan na sa mga ELCAC identified barangays ng lalawigan

Amas, Kidapawan City (Nobyembre 19, 2021)- Sa direktiba ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco, kasalukuyan ng nagsasagawa ng mobile vaccination ang Integrated Provincial Health Office katuwang ang Department of Health sa mga ELCAC (End Local Communist Armed Conflict) identified barangays ng lalawigan.

Unang isinagawa ang pagbabakuna nitong Martes, sa mga residente ng Brgy. Sumalili, Arakan, Cotabato kasabay ng isinagawang Nagkakaisang Adhikain para sa Cotabateño Local Serbisyo Caravan (NAC-LSC), kung saan 176 na mga residente sa naturang barangay ang tumanggap ng unang dose ng pfizer vaccine.

Nito lamang Huwebes, Nobyembre 18,2021 muling nagsagawa ng kahalintulad na aktibidad ang Resbakuna Team ng IPHO sa mga residente ng barangay San Miguel, Arakan na benepisyaryo pa rin ng NAC-LSC ng PTF- ELCAC.

Abot sa 180 na mga residente ng barangay kabilang na ang mga batang edad 12-17 years old ang nakatanggap ng kanilang 1st dose ng pfizer vaccine habang lima naman ang nabakunahan ng kanilang 2nd dose.

Ayon kay Governor Catamco, sa pag-abot ng 70% herd immunity kailangan maging innovative ang pamahalaan sa stratehiya nito na mabigyan ng Covid – 19 vaccine ang mga mamamayan lalo na sa mga malalayong barangay.

Dagdag pa niya, na kailangan maging accessible sa lahat ang bakuna at dapat hindi maging hadlang ang layo ng isang komunidad para sa mga nais magpabakuna.

Batay sa datus ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), as of November 18, 2021 abot na sa 238, 403 na mga indibidwal ang fully vaccinated sa probinsya o katumbas ito ng 48.12% sa 495,672 target na mabakunahan. //idcd-pgo//