Kauna-unahang mango contractors accreditation training sa lalawigan isinagawa

Amas, Kidapawan City (Nobyembre 9, 2021 | Martes)- Upang mas mapalago pa ang industriya ng manga sa lalawigan inatasan ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco ang Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) na magsagawa ng kauna-unahang Mango Contractors Accreditation Training and Licensing para sa mga kontraktor ng manga sa lalawigan.

Nitong araw ng Martes, abot 30 na mga mango contractors ang sumailalim sa nasabing accreditation training ng pamahalaang panlalawigan katuwang  ang Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) at Agway Chemicals Corporation.

Ang “mango contractors” ay grupo ng mga indibidwal na nagbabayad ng renta sa mango growers at siyang responsable sa lahat ng gastusin gaya ng mga  pestisidyo, fertilizer, pagpapabunga, hanggang sa pag-aani ng prutas.

Maliban sa training, mabibigyan din ng libreng lisensya  ang mga partisipante mula sa FPA na isa sa mga requisitos upang matiyak na ang fertilizer at pesticide na ginagamit nila sa produksyon at pagpaparami ng bunga ng mangga ay kapwa ligtas sa kalikasan at sa tao.

Sa kanyang mensahe, bilang representante ni Governor Catamco, binigyang diin SP Committee on Agriculture and Food Chairperson Board Member Ma. Krista Piñol-Solis ang pagsisikap ng lalawigan na matugunan ang pangangailangan ng ibat-ibang sektor ng agrikultura.

“Kita sa probinsya sa pagpanguna ni Gov. Nancy nagapaningkamot nga makahatag ug balanse nga serbisyo sa nagkalain-laing sektor sa atong komunidad labi na sa atong mangunguma,” saad ni BM Piñol.

Binigyang diin din nito ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga mango contractors lalo na sa pagpapalago ng produksyon at industriya ng manga sa lalawigan.

Ayon naman kay Provincial Mango Coordinator Alexander Paez, isa ang lalawigan ng Cotabato sa mga top producers ng mangga sa buong rehiyon 12, na mayroong abot sa 4,000 ektaryang mango plantation.

 Ang aktibidad ay isinagawa sa Provincial Nursery,  Amas, Kidapawan City at dinaluhan rin nina FPA Field Officer 12 Alita C. Bornea, at Agway Chemicals Corporation Representative Vincent Paul Robles.//idcd//