Pikit, Cotabato – Tatlong proyektong pang-imprastraktura na nagkakahalaga ng P24.3M ang pormal na itinurnover ng pamahalaang panlalawigan sa tatlong barangay ng Pikit, Cotabato nito lamang Miyerkules, Oktubre 13, 2021 sa mga residente at lokal na opisyal dito.
Ang nasabing mga proyekto ay pinondohan sa ilalim ng 20% Annual Development Plan ng lalawigan at ito ay kinabibilangan ng sumusunod: P12M road concreting sa barangay Calawag na may habang 1.15kms; 960mtrs na kapareho pa ring proyekto sa brangay Ginatilan na nagkakahalaga ng P10M; at isang covered court naman para sa barangay Panicupan na nagkakahalaga ng P2.3M.
Pinangunahan ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco ang ceremonial turnover and cutting of ribbon ng nasabing mga proyekto.
Sa kanyang mensahe, hindi naman maikubli ni Panicupan Brgy. Chairman Babay T. Mandas ang kanyang kagalakan sa kanilang natanggap na proyekto sa lalawigan.
Ayon sa kanya maituturing niyang “isang pangakong hindi napako” ang covered court na natanggap ng kanilang barangay lalo na at magagamit talaga ito sa panahon na may mahahalagang okasyon o aktibibidad sa barangay.
Masaya rin sa natanggap na biyaya sina, Ginatilan Brgy. Chairman Abdulracman Parnan at Calawag Brgy. Captain Bernard Tambagan na ang mga barangay ay parehong benepisyaryo ng road concreting projects dahil sa wakas nabigyan din ng katuparan ang matagal na nilang pinapangarap, ang magkaroon ng sementadong daan na makakatulong upang mas mapabilis ang pagluluwas ng kanilang produktong pang-agrikultura patungo sa bayan.
Ipinaabot naman ni Governor Catamco sa mamamayan ng Pikit ang pagsisikap ng pamahalaang panalalawigan na matugunan ang lahat ng pangangailangan ng barangay sa kabila ng nararanasang pandemiya.
“Ang probinsya ay patuloy na nagsusumikap na mabigyan ng serbisyo ang mga Cotabateño lalo na ngayong panahon ng pandemiya. Itong proyektong natanggap ngayon ng bayan ng Pikit ay bahagi lamang ng pagsusulong natin ng kaunlaran sa buong lalawigan,” pahayag ni Governor Catamco.
Nakiisa rin sa pag turnover ng mga proyekto sa bayan ng Pikit sina Board Member Dulia Sultan, Pikit Vice Mayor Muhyryn Sultan-Casi, Former Provincial Administrator Efren F. Piñol at ilang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Pikit.//idcd-pgo//