Amas, Kidapawan City (Oktubre 13, 2021)- Isang pagsaludo at taos pusong pasasalamat ang ipinaabot ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco sa lahat ng community volunteer workers sa buong lalawigan sa huling araw na pagsasagawa ng Handog Pasasalamat para sa mga ito sa bayan ng Pikit, Cotabato nitong araw ng Miyerkuli, Oktubre 13, 2021.
Batay sa datus, abot sa P21,634,200 ang naipamahaging honoraria ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato para sa 5,151 Barangay Nutrition Scholars (BNSs), Barangay Health Workers (BHWs), at Day Care Workers (DCWs) para sa buwan ng Enero hanggang Hunyo 2021.
Sa programang isinagawa ngayong araw sa Pikit Central Elementary School muling binigyang diin ng ina ng lalawigan ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga community volunteer workers sa kani-kanilang komunidad lalo na sa kampanya ng pamahalaan kontra Covid-19 pandemic.
“Isang pagsaludo sa inyong dedikasyon at sakripisyo, ang inyong tulong at serbisyo ngayong panahon ng pandemiya ay hindi mababayaran ng kahit anumang bagay,” pahayag ni Governor Catamco.
Ang programang Handog Pasasalamat ay unang isinagawa sa syudad ng Kidapawan, noong Setyembre 20, 2021.
Samantala, kasabay ng naturang aktibidad ay tumanggap rin ng P4.7M farm inputs ang mga magsasaka ng bayan ng Pikit.
Ito ay kinabibilangan ng certified rice seeds, banana tissue plantlets, hybrid corn seeds, pesticides, foliar fertilizers, goats at rice fertilizers.
Nagpaabot rin ng kanyang pasasalamat si Pikit Vice Mayor Muhyryn Sultan-Casi sa provincial government ng Cotabato na pinamumunuan ni Governor Catamco sa lahat ng tulong at mga proyektong natanggap ng mga mamamayan ng kanyang bayan
Inihayag din nito ang patuloy niyang pagsuporta sa lahat ng mga programa at proyektong ipinapatupad ng lalawigan.//idcd-pgo//