1st Provincial Bangsamoro Youth Summit idinaos sa Cotabato, mga kabataan naghayag ng mga hiling

Amas, Kidapawan City – Matagumpay na isinagawa ang 1st Provincial Bangsamoro Youth Summit sa Provincial Capitol Gymnasium, Amas, Kidapawan City, nitong araw ng Martes, Setyembre 28, 2021 sa pangunguna ng pamahalaang panlalawigan kasama ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at iba pang local stakeholders.

Sa temang Intensifying Roles in Responding to Emerging Health and Security Threats in the New Normal, layunin ng naturang aktibidad na mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataang moro na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM)- Special Geopragphic Area (SGA) na makita ang kanilang mahalagang papel tungo sa iaang mas maunlad na kinabukasan at komunidad para sa kanila.

Ilan sa mga youth agenda na kanilang inilatag ay ang mga sumusunod: Madaris education, mas pinalakas na suporta para sa kanilang edukasyon tulad ng scholarship at public WiFi, at mga imprastraktura kabilang na ang pagkakaroon ng maayos na daan at malinis na tubig maiinom.

Sa mensahe ni Provincial Administrator Efren F. Piñol bilang kinatawan ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco, kanyang sinabi na sya ay nasisiyahan na makita ang pagsisikap ng mga kabataang moro na maging instrumento upang marinig ang kanilang boses ng gobyerno.

“Seeing the Bangasamoro Youth today makes me feel both happy and sad,” saad ni PA Piñol.

“Happy” kay nakita nako ang inyong pagpaningkamot nga madungog ang inyong boses sa atong gobyerno ug “sad” tungod kay dugay na kani nga mga problema.”

Kaya siniguro nito na sa ilalim ng pamununo ni Governor Catamco ay pakikinggan ang kanilang mga boses at mabibigyan ng kaukulang pansin ang kanilang mga pangangailangan.

Ang summit ay dinaluhan ng may 120 Bangsamoro Youth mula sa mga bayan ng Pigcawayan, Pikit, Midsayap, Carmen at Kabacan ng lalawigan.

Naging panelist naman ng naturang summit ang ilan sa mga opisyal ng BARMM na sina Member of the Parliament Datu Mussolini Sinsuat Lidasan, Khominie E. Abas – Provincial Scholarship Focal, Lumbayan M. Buat – Ministry of Social Welfare Officer, at Amina D. Amistad Pamikirin – Ministry of Trade, Investment and Tourism. Kasama din sa panel of reactors sina 602nd Deputy Brigade Commander Col. Donald M. Gumiran at mga representante mula sa pamahalaang panlalawigan sina Dyanne Kristine A. Cedeno, Consultant for Planning and Budgetting; at Project Consultant Rodilo Lebiano, Provincial Youth Focal Datu Abby Pato.

Katuwang ng pamahalaang panlalawigan sa naturang aktibidad ang University of Southern Mindanao, Armed Forces of the Philipines (AFP), Provincial Youth and Development Office at Office of Muslim Affairs.//idcd-pgo//