Amas, Kidapawan City-Itinuturing na pinakamaswerte ang bayan ng Pres. Roxas, Cotabato matapos isinagawa nitong Huwebes, Setyembre 17, 2021 sa nasabing bayan ang magkasunod na groundbreaking ceremony ng farm-to-market road sa ilalim ng Support to Barangay Development Program (SBDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nagkakahalaga ng mahigit kumulang P27M.
Sa mensahe ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco kanyang sinabi na pinakamaswerte ang bayan ng Pres. Roxas sa lahat ng bayan, dahil dito isinagawa ang kauna-unahang groundbreaking ceremony ng infrastructure projects para sa mga conflict-affected barangays sa lalawigan.
“Ito na ang bunga ng ating pagsisikap, pakakaisa at pagtutulungan upang maiangat at mapabuti ang pamumuhay sa inyong lugar” wika pa ng gobernadora sa mga opisyales at mamamayan ng barangay La Esperanza at New Cebu, Pres. Roxas.
Ang mga nabanggit na barangay ay kapwa tumanggap ng tig P20M mula na nasyunal matapos maideklara ito na cleared and free from insurgency, dahil na rin sa pagsisikap ng mga lokal na opisyal at sa pakikiisa ng mga mamayan nito.
Ang P20M ay gagamitin ng mga barangay sa pagpapagawa ng mga proyektong infra o non-infra gaya ng road concreting, water system, electrification o pangkabuhayan.
Binigyan diin at pinasalamatan din ng gobernadora ang pagsisikap at sinseridad ni 1002nd Brigade Commander Brigade General Potenciano Camba na maisakatuparan ang nasabing mga proyekto para sa mamamayan ng lalawigan.
“Ito ay simula pa lamang, sa 57 proyekto ng Infra at non-infra na isasagawa sa 29 barangay sa lalawigan ng Cotabato para sa taong 2021, kung saan mula sa 29 barangays, 5 rito ay mga barangay ng Pres. Roxas,” dagdag pa ng ina ng lalawigan.
Labis naman ang pasasalamat at sobrang tuwa ang nadarama ng mga taga Pres. Roxas dahil sa buhos na biyayang kanilang natanggap, mula sa groundbreaking ng mga farm-to-market road, namigay rin ng food packs at libreng serbisyo ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa isinagawang Nagkakaisang Adhikain para sa mga Cotabateño-Lokal Serbisyo Caravan (NAC-LSC), sa barangay New Cebu ng nasabing bayan.
Ang groundbreaking sa La Esperanza at New Cebu ay ang kauna-unahang groundbreaking ceremony na isinagawa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) buong rehiyon dose, ayon pa kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Regional Director Josephine C. Leysa.
Ang nasabing proyekto ay inaasahan na matatapos bago ang buwan ng Disyembre at mapapakinabangan ng mga residente hindi lamang ng barangay New Cebu at La Esperanza maging ng mga residente ng Lomonay, Kamarahan at Del Carmen, President Roxas.
Pinangunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Regional Director Josephine C. Leysa, Governor Nancy A. Catamco at Pres. Roxas Municipal Mayor Jonathan Mahimpit at Board Member Philbert G. Malaluan ang ceremonial laying of capsule bilang hudyat ng pag-uumpisa nasabing proyekto. //idcd-pgo//