Groundbreaking ng P20M housing project isinagawa sa bayan ng Midsayap

Midsayap,Cotabato- Isang makasaysayang araw para sa isang daang (100) IP families mula sa bayan ng Midsayap, Cotabato dahil sa wakas uumpisahan na ang P20M IP Housing Village Project sa Brgy. Upper Bulanan, Midsayap Cotabato.

Sa isinagawang groundbreaking ceremony nitong Martes, Agosto 17, 2021 sa nasabing bayan hindi maikubli ni Midsayap Tribal Chieftain Benjamin Ansangan, Sr. ang kanyang tuwa dahil nagbunga rin ang kanilang pagsisikap na magkaroon ng isang IP village para sa mga katutubo.

Ang nasabing proyekto ay pinondohan ng National Housing Authority (NHA) sa pakikipagtulungan ng local government unit ng Midsayap.

Ayon kay Midsayap Municipal Engineer Antonio P. Relles, Jr. abot sa 100 housing units na nagkakahalaga ng P200K per unit ang itatayo sa dalawang ektaryang lupain sa Brgy. Upper Bulanan na idinonate ng pamilyang Baluan.

Nagpaabot naman ng kanyang pagbati si Governor Nancy A. Catamco sa mga katutubong benepisyaryo at nangakong magbibigay ng tulong para sa ikakaunlad ng kanilang pamayanan.

“Ako nalipay kay natuman gyud ang inyong ginahandum nga housing village. Nanghinaot ako nga kini nga proyekto sa gobyerno makatabang labi na sa pag preserba sa kultura natong mga tribu,” wika ni Catamco.

Pinaalalahanan din nito ang Municipal Engineering’s Office (MEO) at Municipal Planning and Development Office (MPDC) ng Midsayap na siyang nakatalaga sa site clearing operation na wag putulin ang mga punong kahoy kung hindi lang naman ito makakaabala sa pagpapatayo ng mga bahay.

Mas mainam aniya na mapanatili ang maganda at berdeng palibot sa kabila ng kaunlarang tinatamasa ng lugar dahil ang mga punong nakatanim ay pwede ring mapagkukunan ng pagkain.

Pinapurihan naman ni NHA XII Regional Manager Zenaida M. Cabiles ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Midsayap sa kooperasyon at determinasyon nito na maipatupad ang nabanggit na proyekto.

Emosyonal naman na nagpahayag ng kanyang pasasalamat si Adonis Baluan kapamilya ng nagdonate ng lupa dahil natupad na ang matagal na pinapangarap ng kanilang nakakatanda.

“Dili gyud kabayran ang amoang kilipay karon. Kini nga proyekto naghatag gyud ug katumanan sa damgo sa amoang katigulangan nga kami sa tribu magtapok sa usa lang ka lugar.”

Dumalo rin sa aktibidad sina Board Member Dulia Sultan, Vice Mayor Manuel Rabara, at Upper Bulanan Brgy. Captain Dominador Saromines.//idcd//