Amas, Kidapawan City- Naging emosyonal ang kapamilya ng tatlong pasaherong binawian ng buhay ng sinunog na Yellow Bus Line (YBL) sa bayan ng M’lang, Cotabato nang tanggapin nito ang tig P45,000 o may kabuoang P135,000 na pinansyal na ayuda mula sa pamahalaang panlalawigan ng Cotabato.
Ang nasabing insidente ay nangyari noong nakaraang buwan sa kahabaan ng National Highway ng Barangay Bialong, M’lang Cotabato na agad ikinasawi ng tatlong indibidwal na kinilalang sina: Johny Roy Ramil, Hazel Gallardo, at Arnold Patron.
Nitong araw ng Miyerkules, Hulyo 14, 2021 ay personal na iniabot ni Board Member Onofre L. Respicio bilang representante ni Governor Nancy A. Catamco ang tulong na pinangako nito para sa pamilya ng mga biktima ng busimita ito sa bayan ng Mlang upang personal na makiramay sa kanila.
Mismo din sa araw ng kanyang pagbisita tiniyak ng gobernadora sa pamilya ng mga biktima na makakatanggap ang mga ito ng tulong pinansyal mula sa pamahalaang panlalawigan.
Maliban sa nasabing pinansyal na ayuda ay nagbigay rin ang probinsya ng tig iisang sako ng bigas sa mga namatayan at nasugatan sa nasabing insidente at P100,000 bilang dagdag sa pabuyang P100,000 na inilaan ng lokal na pamahalaan ng Mlang para sa makakapagtuturo sa responsable sa karumaldumal na pagsunog ng bus at ng mga pasahero nito.
Labis naman ang pasasalamat ni Ms. Hazel Patron, anak ni Arnold isa mga nasawi sa malasakit at tulong na ipinaabot sa kanila ni Governor Catamco.//idcd//