Amas, Kidapawan City- Siniguro ni Governor Nancy A. Catamco ang kanyang suporta sa mga programa ng Save the Children Philippines matapos ang kanilang pagbisita nitong Martes, Hulyo 13, 2021 sa Barangay Luvimin, Kidapawan City.
Sa pangunguna ng Save the Children Field Office Head na si Ms. Ivy Caballes na nakabase sa General Santos City, inihayag nito sa ina ng lalawigan ang mga programa na may kinalaman sa pagprotekta sa karapatan ng mga kabataan at pagtiyak na sila ay natututukan lalo na ngayong panahon ng pandemiya.
Ilan sa mga Save the Children programs na kanilang iprenisinta sa gobernadora ay ang Early Literacy and Math at Home, Project Engage para sa mga kabataang babae, Healthy and Empowered Responsible Teens (HEART) at iba pang programa na may kinalaman sa proteksyon, edukasyon, kalusugan at nutrisyon ng mga kabataan.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Governor Catamco na ang mga kabataan sa makabagong panahon ay kailangang turuan ng gawaing bahay at praktikal na pamamaraan sa pagharap sa mga hamon upang maihanda sila sa tunay na senaryo ng buhay.
Dapat aniyang masiguro na hindi masayang ang kanilang angking talino at kakayahan at magagamit sa pag-unlad ng lipunan. Upang tiyakin na tama at napapanahon ang programang ipapatupad ng pamahalaang panlalawigan para sa mga kabataan, iminungkahi nito na kailangang maging kabahagi ang Save the Children sa pagplano ng mga programa ng Local Council for the Protection of Children na ipinapatupad sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office.