Tulunan, Cotabato (Hulyo 5,2021) – Sinimulan nang ipamahagi sa bayan ng Tulunan, Cotabato ang P5M na pondong inilaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program.
Hiniling ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco ang nasabing pondo kay DOLE Secretary Silvestre Bello III kung saan inaprobahan naman ng ahensya at naglaan ng kabuoang P10M para sa lalawigan ng Cotabato.
Sa nasabing pondo, P5M rito ang inilaan para sa bayan ng Tulunan kung saan 1,000 na mga Tulenense ang makikinabang sa nasabing cash for work program mula sa DOLE.
Ayon kay Marcosa Quiñonero, Tulunan PESO Designate, tatanggap ng tig-5k bawat TUPAD beneficiary na idadaan sa accredited remittance center ng DOLE. Sa ngayon aniya, may 185 workers ang unang batch na mula sa 11 barangays ng nasabing bayan.
Kaya ganon na lang ang pasasalamat ni Ginoong Jerry Lopez ng Barangay Magboc dahil isang malaking tulong para sa kanila ng TUPAD program lalo na ngayong pandemiya.
Masaya din si Lopez dahil sa TUPAD program nagkaroon umano ito ng pagkakataon na makatulong sa kanilang komunidad, lalo na sa paggawa ng hanging bridge sa kanilang barangay kung saan ito itinalaga ng ahensya.
“Dako gid ang amon pasalamat sini nga programa sa DOLE, kay gob, kag sa LGU Tulunan kay nakatabang gid sa amon kalisod labi na karon pandemiya.”
Nagpahayag din ng paghanga kay Governor Catamco si DOLE Cotabato Field Officer Marjorie Latoja dahil masipag aniya ang goberandora sa paghanap ng pondo mula sa pamahalaang nasyunal upang matulungan ang mga mamamayan lalo na ngayong panahon ng pandemiya kung saan marami sa mga manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay.
Siniguro naman ni Mayor Reuel Limbungan sa mga Tulunense na ang lokal na pamahalaan at pamahalaang panlalawigan ay nagkakaisa upang maibigay ang mga pangunahing serbisyo sa mamamayan at patuloy nagtutulungan para sa bayan.
Sa kanyang mensahe, inilahad ni Governor Catamco na ang kanyang administrasyon ay patuloy na nagsisikap na mabigyan ng sustainable programs ang mga mamamayan sa probinysa upang maibsan ang epekto ng anumang kalamidad o krisis na darating.
“Nagahamdum kami nga mabuligan kamo kag indi lang pang-isa ka adlaw o isa ka semana nga mabuligan ang inyong paninhanglan apan programa nga malungtaron aron nga ma-empower kamo nga mahatag ang panginahanglan sa inyong pamilya.”
Inilahad ng gobernadora ang iba’t ibang programang isinusulong ngayon ng pamahalaang panlalawigan tulad ng P20M Cotabato Agri-Industrial Park na magbibigay ng pagkakataon sa mga maliliit na negosyante na maibenta ang kanilang produtko. Patuloy din aniya ang pag-upgrade ng mga pampublikong ospital sa lalawigan tulad ng Fr. Tulio Favali Municipal Hospital sa bayan ng Tulunan, upang maiangat din ang health services para sa mga mamamayan.//idcd//