Isang masaganang araw ngayong Miyerkules, ika-huling araw sa buwan ng Hunyo 2021 para sa mga taga-barangay sa bayan ng Matalam matapos sabay nilang tinanggap ang mahigit isang milyong pisong barangay aid, at honoraria para sa mga barangay tanod.
Sa tulong ng Provincial Treasurer’s Office (PTO), ipinamahagi ng pamahalaang panlalawigan ang ayuda sa mga barangay para sa bayan ng Matalam na may kabuoang halaga na P850,000 o P25,000 bawat barangay na tinanggap ng kanilang barangay treasurer.
Samantala, tinanggap din ng mga barangay chairman mula sa kabuoang 34 na mga barangay sa nasabing bayan ang abot sa P671,000 na inilaang pondo ng probinsya para sa kabuaong 671 na Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) o kilala bilang mga barangay tanod sa Matalam na tatanggap din ng bagong uniporme kasabay ng kanilang tig-isang libong piso plhonoraria bilang katuwang sa pagmentena ng katiwasayan at kaayusan sa kani-kanilang nasasakupang barangay.
Nagbigay naman ng maiksing orientasyon hinggil sa ipinapairal at palalawigin pang General Community Quarantine sa probinsya si Provincial Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Diseases Incident Commander Board Member Philbert Malaluan at hiniling ang patuloy na suporta ng mga opisyales ng barangay at mga frontliners nito sa kasalukuyang krisis na kinakaharap sa buong bansa.
Bilang representante ni Governor Nancy A. Catamco, nagpaabot din ng pasasalamat si Board Member Malaluan sa mga opisyal ng barangay at kanilang mga volunteers sa pakikiisa sa laban kontra Covid-19 bagamat may nakaabang na panganib dulot ng pandemiya.
Binigyang diin din ni BM Malaluan na bukas aniya ang pamunuan ni Governor Catamco sa mga suhestiyon o panukala mula sa mga opisyales ng barangay na higit na nakakaalam sa tunay na pangangailan at sitwasyon ng taumbayan.
Adbokasiya ng kasalukuyang liderato ni Governor Catamco ang participatory governance kung saan isinusulong nito ang pakikipag-ugnayan ng mga mamamayan at mga opisyales sa barangay upang lalo pang mapabuti ang serbisyo ng gobyerno sa mamamayan.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang gobernadora sa mga BPAT dahil sa kanilang sakripisyo para sa bayan kaya isa sa mga panukala nito na madagdagan ang kasulukuyang tig-isang libong honoraria ng mga tanod mula sa pamahalaang panlalawigan at gawin itong tig-P4,000 sa susunod na taon kung maaprubahan ang pondo para dito.
Sa kabilang dako, tinanggap din ngayong araw ng Brgy. Calunasan, Mlang ang sa pamamagitan ng Brgy. Treasurer nito ang P25,000 barangay aid mula sa provincial government sa pamamagitan ni Provincial Administrator Efren F. Piñol. Una ng tinanngap ng iba pang barangay mula sa nasabing bayan ang kaparehong ayuda kahapon at SA mga nakalipas na araw. //idcd-pgo//