Kidapawan City (June 11, 2021) – Bibisita sa probinsya ng Cotabato ang mga representante mula sa Asian Development Bank (ADB) upang pag-aralan ang pagpapatayo ng banana flour processing facility dito na may layuning bigyan ng alternatibong paraan ng produksyon ng saging sa lalawigan.
Ito ang sinabi ni ADB Consultant at Pacific Agri Services, Inc. President / Chief Executive Officer Mark Van Steenwyk sa isinagawang virtual meeting ngayong araw ng Biyernes kasama si Cotabato Governor Nancy A. Catamco, Provincial Planning and Development Coordinator (OPPC) Cynthia D. Ortega, Provincial Agricultural and Fisheries Council (PAFC) Chairman Angel M. Cervantes, Jr. at iba pa.
Tugon sa problema ng banana planters
Tinalakay sa nasabing pagpupulong ang panukala ng pamahalaang panlalawigan na magtatag ng Banana Flour Processing Facility bilang tugon sa matagal nang problema ng mga local banana planters sa probinsya at isa na rito ang sobrang suplay ng saging tulad ng cardava, lakatan, at saba lalo na sa peak harvest season na nagreresulta sa papalit-palit na presyo sa pamilihan dahil na rin sa pagkakasabay nito sa season ng iba pang mga tropical at imported fruits, at bumababang market demand o bentahan sa mga lokal na pamilihan maging sa international market.
Ipinaliwanang ni PAFC Chair Cervantes na malaking bahagi ng produksyon ng saging ay binibenta ng mga banana growers sa mga processing companies upang gawing bananaa chips at ini-export sa ibang bansa. Subalit, lubhang bumaba aniya ang demand mula sa international market kaya tone-tonelada din ang binawas sa demand ng saging dahilan ng lubhang pagkalugi ng mga farmers.
Kapag naipatayo ang banana flour processing plant, magiging malaking tulong umano ito upang ang mga saging na hindi nabenta o hindi pumasa sa quality control ng international market (reject) na kadalasan ay tinatapon na lamang ay mapapakinabangan pa at mapagkakakitaan ng mga magsasaka kapag na-convert ito bilang harina na maaaring iimbak sa mas matagal na panahon.
Sumang-ayon naman si Steenwyk at hinayag na magiging malawak ang market ng banana flour sapagkat ang food industry aniya ay nangangailangan ng anumang cooking flour kaya kahit pa wala ang international market diumano ay magkakaroon na ng siguradong mamimili ang nasabing produkto.
Siniguro ni Steenwyk na pag-aaralan ng ADB ang nasabing panukala para sa posibleng grant na ibibigay sa pamahalaang panlalawigan para pondohan ang nasabing proyekto sa ilalim ng Mindanao Agro-Enterprise Development Project ng ADB. Magpadadala din umano ang ADB ng mga eksperto sa lalawigan upang suriin ang proyekto at makakatulong sa preparasyon o ano pa mang kailangan na nakabase sa international market standards
Ayon naman kay Governor Catamco, magiging malaking tulong umano ang grant mula sa ADB kung sakaling ma-aprubahan Ito upang maproteksyunan ang mga banana planters mula sa hindi matatag na presyo ng saging o sa panahong bababa ang demand nito sa mga pamilihan.
Ang banana flour processing plant na may estimated cost na P120M ay ipapatayo sa loob ng 22-ektaryang Cotabato Agro-Industrial Park (CAIP) sa bayan ng Mlang, Cotabato na nakatakdang simulan ngayong taon.
Naroon din sa nasabing pagpupulong sina Engr. Ginalyn Fe C. Cachuela, Project Manager ng SOCCSKSARGEN Area Development Project Office, at iba pang stakeholders.//idcd-pgo//