Amas, Kidpawan City (Mayo 12, 2021)- Labis ang pasasalamat ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco kay Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na naisakatuparan na ang isa sa kanyang mga pangarap ang magkaroon ng Malasakit Center para sa mga mamayan ng lalawigan ng Cotabato.
Ito ang inihayag ni Governor Catamco sa isinagawang launching ng Malasakit Center sa Cotabato Provincial Hospital (CPH), Amas, Kidapawan City nitong araw ng Miyerkules, Mayo 12, 2021.
Mismong si Senator Bong Go ang nanguna sa pagbubukas ng nasabing proyekto na magsisilbing one-stop-shop ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na magbibigay ng pinansyal na ayuda para sa mga mahihirap na Cotabateño na nangangailangan ng tulong medikal.
“Everytime nga nagaadto diri sa probinsya nato si Senator Bong Go nadugangan ang atong gugma kaniya tungod wala ta niya ginapasagdan. We are so happy, dili gyud masukod ang atoang kalipay tungod sa daghan nga proyekto ug programa nga gidala kanato sa Office of the President ug sa opisina ni Senator Bong Go,” wika ng gobernadora.
Pinasalamatan din ng gobernadora ang senador sa mga infrastructure project na ibinigay nito sa iba’t-ibang bayan ng lalawigan gaya ng tulay, multi-purpose building at iba pa.
P3M pondo para sa operasyon ng Malasakit Center
Sa nasabi ring aktibidad, itinurnover ni Senator Go sa provincial government ang ang P3M tseke na magagamit sa operasyon ng center.
Ibinalita rin nito na makakatanggap ng karagdagang P3M pondo kada buwan ang malasakit center ng lalawigan mula sa opisina ng pangulo.
“Naa’y P3M a month nga gi-allocate ang opisina ni President Duterte para diri sa inyong malasakit center. Sultihi inyong silingan ug naa silay hospital bill duol sila sa malasakit center aron matabangan sila sa upat ka ahensya DOH, Philhealth, PCSO, ug DSWD,” paliwanag ni Senador Go.
Nangako rin ito ng karagdagang P10 milyong pondo kung saka-sakaling kulangin ang P3M alokasyon ng Office of the President kada buwan.
Namigay rin ang senador ng bisikleta, food packs, grocery at bitamina para sa frontliners at pasyente ng CPH.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Integrated Provincial Health Officer Dr. Eva C. Rabaya sa pagsisikap ng ina ng lalawigan na magkaroon ng sariling Malasakit Center ang probinsya.
Ayon sa kanya, ito ang sagot sa panalangin ng bawat Cotabateñong labis na nangangailangan ng tulong lalo na sa panahon ng hospitalisasyon.
“This is the answer to ease the out-of-the-pocket burden of Cotabateños during hospitalization and the solution to zero balance bill,” pahayag ni Dr. Rabaya.
Ang Malasakit Center sa CPH ay ika-110 na sa buong Pilipinas, ika-26 sa buong Mindanao at kauna-unahan sa lalawigan.
Ang mga ahensyang magiging kabalikat ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapatakbo ng Malasakit Center ay ang sumusunod; Office of the President, Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at Department of Social Welfare and Development Office (DSWD).
Nakiisa rin sa nasabing aktibidad sina Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, Filipino Actor Philip Salvador, DSWD Under Secretary Aimee Neri, PhilHealth National Representative, regional directors ng iba’t-ibang ahensya, provincial board members, local chief executives, at provincial government department heads.//idcd-pgo////