Amas, Kidapawan City (Abril 21, 2021)- Upang mabigyan ang mga estudyante sa pampublikong paaralan sa lalawigan ng mas mainam na paraan ng pag-aaral lalo na ngayong panahon ng pandemiya, abot sa P8.7M educational tools ang ibinigay ng Provincial Government of Cotabato sa DepEd-Cotabato Division.
Mismong si Governor Nancy A. Catamco ang nanguna sa ginanap na ceremonial turnover ng 500 units television sets, 4000 units transistor radios at 4,841 flash drives na isinagawa sa Magpet National High School kasama sina DepEd Regional Director Carlito D. Rocafort, CESO V, Cotabato Schools Division Superintendent Isagani Dela Cruz, at iba pang opisyal ng DepEd Cotabato Division.
Ang nasabing television sets at transistor radios ay magagamit ng DepEd sa kanilang Television and Radio Base Instruction Learning Modality na ipinatupad ngayong panahon na hindi pa pinapayagan ang face-to-face classes.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Regional Director Carlito Rocafort ang provincial government sa pangunguna ni Governor Catamco sa paglalaan nito ng pondo mula sa Special Education Fund (SEF) at pagsisikap na mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang mga mag-aaral sa lalawigan kahit pa man ngayong panahon ng pandemiya.
“I would like to commend and thank the good governor for the allotment, for her generosity and big heart for education,” pahayag ni RD Rocafort.
Maliban sa TV sets, transistor radios at flash drives, namigay din ng 70 risograph machines ang provincial government na pinondohan ng abot sa P14M.
Pinapurihan naman ni Governor Catamco ang mga guro sa kanilang pagsusumikap, dedikasyon, at sakripisyo para sa edukasyon ng mga estudyante sa kabila ng banta ng Covid-19. Binigyang diin din ni Governor Catamco na nais ng kanyang pamunuan na matugunan ang mga pangangailangan ng mga paaralan lalo na ngayong nagpapatupad ng bagong pamamaraan ng pagtuturo ang DepEd.
“Nais nating tiyakin na ang ating SEF ay nagagamit ng tama at natutugunan ang pangangailangan ng mga guro at mag-aaral lalo na ngayong panahon ng pandemiya,” wika ng Gobernadora.
Nakatakada ding magbigay ng abot sa 5,000 tablets sa mga susunod na araw para sa mga mag-aaral ng lalawigan ang provincial government na magagamit sa mga online research and classes.//idcd//photo credit PR Team//