Amas, Kidapawan City (Marso 15, 2021) – Inaprubahan na ng Local School Board ng lalawigan ng Cotabato ang 42 milyong pisong pundo mula sa Special Education Fund ng Probinsya para sa iba’t ibang mga proyektong pang-edukasyon.
Pinangunahan ni Governor Nancy A. Catamco ang pag-apruba ngayong araw sa mga nakalatag na proyekto para sa taong 2021 na layuning matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral bilang paghahanda sa iba’t-ibang programa ng Department of Education (DepEd) na bahagi ng pagsulong ng mabuting edukasyon sa panahon ng pandemya.
Kabilang sa mga proyektong ito ay ang 10M pundo para sa restoration ng camping sites sa Probinsya — ang Camp Aurora (P5M) para sa girl scouts at Camp Bulatukan (P5M) para sa boy scouts na parehong nasa Brgy. Bulatukan, Makilala.
Dahil sa kasalukuyang self-learning o modular learning system, kabilang sa pinonduhan ang internet subscription for 280 elementary and secondary schools, bond papers for module reproduction, consumables for duplication machines at radio broadcasting airtime fee na gagamitin ng DepEd para sa panibagong pamamaraan ng pagtuturo sa mga mag-aaral.
Napagkasunduan din ng local school board na dagdagan ang pundong una ng inilaan para sa mga covered courts sa mga pampublikong paaralan mula sa 3M na ginawang P3.5M upang mas ma-kumpleto ang gusaling itatayo kasama ang ang stage at iba pa.
Binigyang daan din sa naturang pagpupulong ang ulat ng kagawaran sa mga proyektong pinonduhan ng pamahalaang panlalawigan na natapos na at naihatid na sa kaukulang mga benepisyaryo nito.
Tiniyak naman ni Governor Catamco na sinusulong ng kanyang administrasyon ang transparency ng mga proyekto dahil naas nito na bawat pundong nagmumula sa kaban ng bayan ay mapupunta sa nararapatan nitong paglagyan.Dumalo sa naturang pagpupulong ang mga opisyales ng Boys Scouts at Girls Scout Organization ng Probinsya, Schools Division Superintendent Isagani Dela Cruz, at SP Ex Officio Board Member Sarah Joy Simblante at iba pang myembro ng ng local school board.//idcd-pgo//