Mainit na pagbati sa inyong lahat sa araw ng ating pagdiriwang ng isang daan at anim na taon ng pagkatatag ng ating Lalawigan ng Cotabato!
Makikita na ang ating pagdaraos ngayon sa kaarawan ng ating mahal na probinsya ay naiiba sa nakaraang mga taon. Ngayong araw, naging payak ang ating pag gunita ng makasaysayang kaarawan ng North Cotabato.
Nagbawas tayo ng mga activities sa Kalivungan festival at isinantabi muna natin ang iba pang mga programa at kasiyahan na atin nang nakasanayan tuwing Kalivungan Festival.
Ang dahilan kung bakit ginawa nating simple ang ating padiriwang ay ang mga hindi inaasahan pangyayaring nitong nakalipas na mga buwan. Dahil sa mga ito, kinakailangang nating bigyan ng pangunahing pansin ang paglutas sa mga pagsubok na kinakaharap ng ating probinsya.
Bagamat hindi gaya ng dati ang ating kasiyahan, ang ating pagpapahalaga sa pagtugon sa mga pagsubok na ating kinakaharap at ang ating taimtim na pagsisikap para sa kaunlaran ng lalawigan ang syang magbibigay ng kahulugan at kahalagahan sa ating pagdiriwang ngayon.
-oooOooo-
Sa nagdaang taon ng 2019, partikular na sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre, ang ating lalawigan ay sinalanta ng sunod sunod na pagyanig dahil sa kuyog o kawan ng mga lindol. Dahil na rin sa kalimitan at lakas ng mga lindol, maraming imprastraktura ang nasira- pampubliko man o pribado. Mga bahay ng mga mahihirap at mga mayayaman man ay pare-parehong nawasak. Maraming negosyo ang napinsala. Maraming kabuhayan at mga pangarap ang naglaho.
Ayon sa Disaster Risk Reduction and Management Division ng Provincial Governor’s Office, nag-iwan ang lindol ng dalawampu’t dalawang (22) patay; siyam (9) na nawawala; at apat na raan at apatnapu’t limang (445)sugatan. Ang bilang ng sambahayang apektado ay umabot sa apatnapu’t anim na libo’t isang daan apatnapu’t siyam (46,149) at umabot sa dalawampu’t siyam na libo apat na raan at siyam na pu’t walo(29,498) ang mga tahanang nasira.
-oooOooo-
Di pa man tayo nakakabangon sa epekto ng lindol, ang ating probinsya kasama na ang buong mundo, ngayo’y humaharap sa panganib sa pampublikong kalusugan dahil sa Corona Virus Disease 2019 o COVID-19. Ayon sa report ng DOH-Center for Health Development Region 12, sa pinakahuling datos nitong August 27, 2020 ng Covid-19, ang Lalawigan ng Cotabato ay may kabuuang naitala nalimampu’t siyam (59)na kaso ng Covid19 ng subalit labinlima (15) lang maitututiring na active cases.
Habang patuloy tayong nakikibaka laban sa Covid 19, kamakailan lamang ang virus na African Swine Fever ay pumasok na sa ating probinsya. Ang ASF ay isang napakalaking banta sa lokal na industriya ng baboy. Ito ay nagdudulot ng pinsala dahil kinakailanganingpuksain ang buong populasyon ng baboy sa mga apektadong babuyan. Sa huling tala ng Tanggapan ng Provincial Veterinarian, umabot na sa dalawampu (20) ang apektadong barangay kung saan limang daan tatlumpu’t dalawang (532) magsasakang nag-aalaga ng baboy ang nasalanta na ng ASF. Dahil dito, umabot sa mahigit dalawang libo o 2,299 ang depopulated na baboy at biik na nagkakahalaga ng Php11,495,000.00.
-oooOooo-
Upang matugunan ang pinsalang dala ng lindol, ang Provincial Government ng Cotabato nagkaloob ng tulong sa mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng pagkain, construction materials, cash assistance, livelihood assistance at skills training.
Nakatanggap din ang PLGU Cotabato ng tulong pinansyal at materyal mula sa iba’t-ibang ahensya, organisasyon at mga indibidwal para sa mga nabiktima ng lindol. Kaya lubos nating pinapasalamatan ang tumulong at nagmigay ng kanilang donasyon para sa ating mga kababayang nasalanta ng lindol.
Sa simula pa lang ng pandemya, ating agarang binuo ang Provincial Inter Agency Task Force on COVID-19 sa pamamagitan isang executive order. Ating itinalaga ang naturang taskforce na tumutok sa iba’t ibang problemang dulot at dala ng naturang sakit.
At upang matulungan naman natin ang mga hindi makakauwing Cotabateñong na napadpad sa iba’t ibang lugar, ating intinatag ang Task Force Sagip Stranded North Cotabateños. Tayo ang isa sa mga pinaka-unang pamahalaang lokal na gumawa nito. Kaya hindi nakakagulat na tayo ay kinilala bilang isa sa mga may best practices patungkol sa Covid response ng Regional IATF. Sa kasalukuyan, ang nasabing taskforce ay nakapag-pauwi na ng higit 17,000 Locally Stranded Individuals at Returning OFWs.
Upang agad na namang matugunan ang problema sa African Swine Fever, aking nilagdaan ang Executive Order No. 77 na nag-organisa ng Provincial African Swine Fever Incident Management Team (PASF-IMT) na syang tutulong sa atin sa paggawa ng mga polisiya at mga plano upang maagapan at makontrol ang pagkalat ng sakit na ASF.
Ang mga kawani naman ng Office of the Provincial Veterinarian ay patuloy pa ring nakabantay sa ating mga borders, bilang pag implementa ng Provincial Ordinance No. 558 o ang “Veterinary Quarantine Ordinance of Cotabato”, upang maagapan ang pagpasok ng kontaminadong mga baboy at mga produkto nito.
-oooOooo-
Napakaraming pagsubok ang nailatag at dinala ang COVID sa atin. Sa panahon ng lockdown or enhanced community quarantine, nakita natin ang matinding katotohanan ukol sa maraming hamon na ating kinakaharap- sa pagbangon ng ating lokal na ekonomiya, pagpapalakas ng ating agrikultura at ang hamon na tugunan ang mismong tinatawag nating food security para sa bawat sambahayan.
Ayon mismo sa Center for Strategic & International Studies, sa April 21, tinatantya ng United Nations na dahil sa COVID-19, ang bilang ng taong haharap sa kakulangan ng pagkain ay dodoble sa 265 Million.
Ayon din sa World Bank, dahil sa napipintong “food insecurity” dala ng COVID-19 pandemic, may mga bansang gumagawa ng paraan upang mapangalagaan ang agrikultura bilang mahalagang bahagi na makakapagbigay ng supply ng mura at masustansyang pagkain.
Kalakip sa ating pagsisikap na maibangon ang ating lokal na ekonomiya at ang pagpapalakas ng ating agrikultura dahil ang North Cotabato ay binubuo ng maraming pamayanan sa agrikultura.
-oooOooo-
Ako ay masugid na naniniwala na sa bawat kagipitan o balakid ay laging mayroong nakakabit na pagkakataon o oportunidad. Ang mga dumaang sakuna sa ating probinsya ay tinuturing kong mga pagsubok at hamon lamang sa ating lahat at hindi sila sagabal sa ating pag-unlad. Nagbigay ang mga ito ng pagkakataon na buksan ang ating kaisipan patungo sa mga bagong pamamaraan at direksyon sa kaunlaran at paglilingkod na nakatuon sa kasalukuyang pangangailangan ng mga tao at sa darating na panahon.
Kinakailangang ang komprehensibong sagot at mga pamamaraan patungo sa isang masaganang Cotabato. Mula ngayon, tututukan ng pamahalaang ng probinsya ng Cotabato ang mga programa sa food security, health care, strengthening of local economy at shelter/housing.
Kaya ngayong araw, ipinilabas koang isang Executive Order na magbubuo ng isang provincial council na papangalanang Provincial Council for Priority Development Response (PCPDR). Ang pangunahing tungkulin ng naturang Council ay ang gumawa ng mga polisiya, programa at mga proyekto na sasaklaw sa- Food Security Response, Healthcare Response, Local Economy Strengthening Response, atShelter/Housing Response.
Sa ilalim ng Food Security Response, mabibigyan natin ng tamang atensyon
1) Ang Water Supply – upang makapagbibigay ng sapat na tubig para sa agrikultura at malinis at ligtas na maiinom na tubig ang mga komunidad.
2) Ang Crop Production – ang tutugon sa pagpapabuti ng ani at kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta sa agri infrastructure.
Sa ilalim ng Healthcare Response, sinasaklaw nito ang mga sumusunod- Covid-19 Management, Hospital Service, Preventive Health, at ang Nutrition and Food Safety.
Sa Covid-19 Management nakalakip ang pagpigil at pamamahala sa pagkalat ng Covid 19 sa probinsya kasama na ang pagbibigay ng tulong sa mga nahawaan ng sakit.
Ang Hospital Service ang magbabalangkas ng mga paraan at mga proyekto para mapabuti pa ang kalidad ng serbisyo ng ating mga ospital.
Kasali sa rin sa Health Care Response ang epetikbong pagpigil at pamamahala ng pagkalat ng mga iba’t-ibang sakit at ang pagsisiguro ng kalusugan, nutrisyon at kalig-tasan ng mga pagkain.
Ikatlo, sa ilalim ng komprehensibong balangkas ng PCPDR na ito ay angLocal Economy StrengtheningResponse. Ang pangunahing pakay nito ay pagtitiyak ng merkado para sa mga pananim ng ating mga magsasaka. Nilalayon din nito ang pagdadagdag ng halaga sa mga ani at mga pangunahing bilihin galing sa ating mga sakahan. Sinimulan na natin. At plano pa nating palawakin ang ating mga interventions sa pamamagitan ng pagtatatag ng processing facilities at pagsasagawa ng trainings. Kasama rin sa ating pagpupunyagi na mai-angat ang kabuhayan ng mga North Cotabateno ay walang tigil na pagsisikap na maibukas na ang ating Central Mindanao Airport sa munisipyo ng Mlang. Lahat ng ito ay nakalakip sa ating mas malaking layunin na palakihin ang kinikita ng bawat sambahayan.
Ang ika-apat na cluster sa ilalim ng PCPDR ay tutugon sa ating problema sa pabahay. Ito ang Shelter/Housing Response dahil balak ng administrayong ito ang magkaroon ng malawakang programa sa murang pabahay o socialized housing program kasama ang tulong ng mga nasyonal na ahensya gaya ng HULRB at NHA. Kung saan mabibigyan ng pagkakataong magkaroon nga sariling bahay at lupa ang mga pamilyang walang sariling tahanan at ang mga biktima ng kalamidad na nawalan ng kanilang bahay.
-oooOooo-
Ilan po lamang yan sa mga programa ng kasalukuyang administrasyon dahil kami ay naghahangad na makamtan natin ang food security, mapangalagaan ng pampublikong kalusugan, palakasin ng ating lokal na ekonomiya at mabigyan ng mura at kalidad na pabahay ang mga Cotabateño sa pamamagitan ng programang socialized housing.
Ang inspirasyon ng lahat nang ito ay ang ating mahal na probinsya at kayong mga mamamayang Cotabateño. Ang inyong katatagan at katapangang sa kabila ng mga unos at pagsubok ay nagsilbing inspirasyon sa aming patuloy na pagsisikap at paglilingkod.
Sa muli, isang maligayang pagbati po sa inyong lahat. Ipagbunyi natin sa ating mga puso ang isang daan at anim na taon ng mayamang kasaysayan at kultura ng ating mahal na probinsya ng Cotabato.
Maraming Salamat po.