Pantay na karapatan para sa may kapansanan prayoridad ng pamahalaang panlalawigan

August 8, 2022 | Amas, Kidapawan City – Nakatuon ngayon ang pansin ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng liderato ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza sa pagsulong ng pantay na karapatan sa edukasyon, trabaho at kabuhayan ng mga may kapansanan.

Sa mensahe ni 3rd District Board Member Ivy Martia Lei Dalumpines-Ballitoc bilang representante ni Governor Mendoza sa isinagawang National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week culmination program, pinahayag nito na isa sa mga nakalatag na 12-point agenda ng gobernadora ay ang persons with disability (PWD) empowerment kung saan isusulong ng pamahalaang panlalawigan ang mga karapatan at kabuoang kaunlaran ng mga ito.

Kabilang sa kasalukuyang programa ng pamahalaang panlalawigan ang pagbibigay ng assistive devices sa mga may kapansanan upang malaya silang makagalaw para sa mga gawaing bahay o para sa kanilang hanapbuhay.

Ito ay naglalayong paunlarin ang antas ng kanilang pamumuhay at mabigyan ng pag-asa para sa mas magandang kinabukasan.

Samantala, namigay rin ang probinsiya ng food packs sa 450 na partisipante mula sa iba’t ibang bayan sa probinsya.

Ang nabanggit na selebrasyon ay ginawa nitong Biyernes sa Provincial Gym na may temang “Pamahalaan kaakibat sa pagtupad ng pantay na edukasyon, trabaho at kabuhayan, tugon sa pagpapalakas ng taong may kapansanan.”//idcd//